Nagising ako kahapon na umiiyak. Bumangon ako at tinakpan ang mukha ko ng aking mga palad. Humagulgol ako ng mahina para hindi marinig ng aking mga magulang ang aking pag-iyak dahil dingding na kahoy lang ang pagitan namin. Mga alas-singko iyon ng umaga. Habang nahihimbing pa ang mga tao sa pailigid, patuloy ang daloy ng aking mga luha. Ngunit kahit ganun, hindi pa din nito mapawi ang pangungulila at sakit sa kalooban ko.

Nagising ako mula sa isang panaginip. Sa mundong iyon, ako ay isang guro. At sa hindi maipaliwanag na dahilan, isa akong guro sa Filipino. Sa aking pagkakaalala, maayos ang aking unang klase. Naging masaya ang diskusyon sa tula na binigyan namin ng puna. Sa sumunod na klase, hindi maganda ang nangyari. Naging magulo ang klase, hindi nakikinig ang mga estudytante. Panay ang hingi ko sa kanilang atensyon. Pero walang nakikinig. Natapos ang klase pero hindi namin nabigyan ng puna ang tula. Lumabas ako sa silid-aralan na umiiyak. Naalala ko yung pakiramdam na pagkabagabag dahil hindi ko nagawa ang aking tungkulin bilang isang guro. Naglalakad ako palayo habang sinasambit ang mga katagang: “Bakit kasi wala ka dito? Sana binibigyan mo ko ngayon ng mga payo kung anung gagawin ko… Nasan ka na ba? Kailangan kita…” At nagmulat ang aking mata. Katulad ng nasa aking panaginip, lumuluha na rin ang mga matang nakatingin sa kawalan.

Ilang sandali pa, napahagulgol na ako sa sama ng aking loob. Walang tigil ang pagpatak ng aking mga luha. Wari’y mga ilog na umaagos patungo sa isang talon na syang bumabagsak sa aking kumot. Hikbi... Hikbi... Hikbi… Hikbi ng pangungulila sa minamahal. Hikbi na pamawi sa kalungkutan. Hikbi na tanda ng aking labis na pagmamahal. Huminga ako ng malalim. Malalim na malalim. Hinugot mula sa kadulu-duluhan at kasuluk-sulukang bahagi ng aking puso. “Haaaaaaaay!!!” ang tanging nasambit ng pusong nangungulila.


Photobucket